Emote Mode

Emote Mode: " Ang tagal ko nang hindi gumagawa ng entry. Una, busy ang lola n'yo. Pangalawa, para ganahan kang magsulat, kailangan, nasa mood ka. 'Yun bang naka-emote mode ka talaga.
Eh, hindi naman porke nagsusulat ako ngayon, eh, dahil nasa mood ako o nasa emote mode ako. Wala lang. Feeling ko lang kasi, inumpisahan ko 'to, sinubaybayan n'yo, dapat lang na ituloy ko. O, kung hindi man, eh, karapatan n'yo ring malaman ang paliwanag ko kumba't hindi ako nakakapagsulat lately.
Araw-araw, dinudutdot na 'ko ng kunsensiya ko na, 'Magsulat ka na, Ogie! 'Wag mong pinapaasa ang mga tao!' Gano'n kung pagalitan ako ng kunsensiya ko. Eh, kung nambubugbog pa 'yan, baka me mga pasa pa 'ko ngayon sa pwet at sa braso.
Gano'n yata talaga pag pre-occupied ka. Pag tumitingin nga ako sa salamin, lagi kong hinahawi 'yung buhok ko, eh. Kasi, naghe-hello na ang mga uban ko o 'yung puting buhok. Oo, isa pa 'yan. Numinipis din ang hair ko, kaya sa ayaw at sa gusto ko, dapat, me oras akong magpunta sa Belo Morato para magpa-meso therapy.
Ito 'yung nilalapatan muna ng ointment na anaesthesia for 40 minutes ang anit, kaya while waiting for the procedure (na tinatadtad ng iniksiyon ang anit), nagpapa-footspa na rin ako sa mukha, kaya kutis talampakan ng mayayaman ang fez ko, hahahaha!
Sobrang busy ko talaga, promise. Si Vice Ganda, alam n'yo naman, mina-manage ng lola n'yo. Nandiyan pa ang ibang talents ko tulad nina Marissa Sanchez (singer-comedienne), Boom Labrusca (na sidekick ni Diether Ocampo sa "Guns & Roses" na "guns" ang nasa title, pero isang baril lang ang nasa picture ng logo), si Lloyd Zaragoza (sidekick ni Coco "Javier" Martin sa "Minsan Lang Kita Iibigin") na pag naghubad ng damit ay para pa ring nakadamit, dahil buong katawan, me tattoo.
Si Paolo Serrano din, talent ko na. Natandaan n'yo ba siya? Siya naman 'yung si Walter dati sa "Mutya" na me ginagawa ngayong "Growing Up" kung saan ang tagal nang nagteteyping, pero nakaka-one taping day pa lang. Tinutulungan ko rin sina Jenny Miller at Daisy Reyes sa kanilang exposure sa ABS-CBN.
Alam ko naman, hindi lahat sila, maa-achieve ang na-achieve ni Vice Ganda. Kanya-kanyang panahon 'yan, eh. Uso ngayon si Vice, kaya sinasamantala ko na. Nagsimula rin naman kami sa wala at sa napakaliit na talent fee noong araw, eh.
Kaya nga pag me lumalapit sa akin at gustong magpa-manage, hindi ko agad matanggap. Ang hirap kayang mag-manage, 'no? Kahit hindi ka nagbuntis, para kang nanganak. Aalagaan mo. Palalakihin mo at bibigyan mo ng sariling identity balang-araw ang talent mo.
Meron pa ngang lumapit, gustong magpa-manage. Kasi daw, napasikat ko si Vice Ganda. Gano'n? Ang sarap sanang pakinggan, pero hindi lang naman ako ang may gawa kay Vice, eh. Si Vice mismo. Gina-guide ko lang siya sa magulong mundo ng showbiz.
At hindi naman lahat ng manager ng sikat na artista eh sikat lahat ang alaga. Parang hit and miss din 'yan. Puwede kang maka-hit ng isa, pero mas marami pa rin ang "miss."
Heto nga't "kapapanganak" ko pa lang sa dalawang bagets na gusto kong bigyan ng magandang buhay. At sana ay palaring makapasok, makilala at sumikat sa larangan ng akting. Bahala na si Batman.
Basta ang payo ko sa kanila, kung mahihiya ka rin lang sa harap ng kamera, umuwi ka na sa inyo, dahil nag-aaksaya ka lang ng panahon.
Gusto mong mag-artista, pero nahihiya ka? Hindi ko makuha ang logic.
Teka nga. Ano ba 'to, parang nalalayo na ang topic. Hahaha!
Pasensiya ka na, ha? Kung ano lang ang laman ng puso at utak ko ngayon, 'yun na lang muna ang pagtiyagaan n'yo. Eto namang pagsusulat kong 'to ngayon, masabi lang na nakapag-update ako ng aking blogsite, eh.
Hayaan n'yo na, patawarin n'yo na 'ko.
At dahil pinatawad n'yo ako, may pabaon ako sa inyong blind item na please lang, ha? Kung huhulaan n'yo, 'wag n'yo namang pangalanan. Pa-blind item din ang sagot para naman exciting pa rin ang dating.
Or else, idi-delete ko ang sagot n'yo. Chos!
Game....
Sino itong young actress na nu'ng Saturday (July 23, 2011) ay nakita ng aking source na may ka-date na isang kilalang guwapong bagets personality. 'Wag n'yo nang alamin kung saang larangan kilala ang personality. Basta ang alam ko, ito nga ang nali-link sa bagets.
Sa sosyal na resto bar sa The Fort daw ito naganap. Nu'ng una, according to my source, seryosong nag-uusap. Nu'ng dumating ang order nilang food, seryoso pa rin silang nagtsitsikahan while eating. Maya-maya, biglang tumayo 'yung lalake at umalis.
Feeling ng isang customer doon ('yun ang source ko), nagkasamtingan ang dalawa, dahil parang iritada ang girl nu'ng mag-walkout ang lalake, eh. Naiwang mag-isa 'yung girl sa table. Ang ginawa ng girl, umorder na lang ito ng red wine. Nag-e-emote at crying galore.
Naubos yata ng girl ang wine, kaya siyempre, nakakalasing din ang wine. Eh, di 'yung girl, maya-maya, sumuka nang bongga sa ilalim ng table. Ayun na, dinaluhan na siya ng waiter, kasi nga, hindi na niya keri. Nagpahatid na lang siya sa sasakyan.
Pero honestly, hindi alam ng source ko kung nag-away ba ang dalawa at ano ang dahilan ng kanilang pag-aaway, dahil iritado rin 'yung lalake nu'ng umalis, eh.
Oh, well...alam ko namang bahagi talaga ng lovelife ang kabiguan. Pero sana naman, naka-recover na si Girl, dahil hello! Ikaw umiiyak dahil sa pag-ibig. 'Yung iba, umiiyak, dahil me pag-ibig nga, pero wala namang career.
Cheer up, Girl! Lalake lang 'yan. Hindi ka pangit para hindi gustuhin ng ibang boys.
'Wag na kayong manghingi ng clue tungkol sa identity ng girl, pero sa identity ng boy, parang ang taba-taba ko na talaga. Ano kaya ang maisa-suggest n'yo para mabawasan ang timbang ko?
'Yun na!
"

Comments