Ka-fez

Ka-fez: "Magkapatid ba kayo ni Marcelito Pomoy?"
Gasgas nang linya 'yan na lagi kong naririnig. Hindi naman ako napipikon. Naaaliw pa nga ako, kasi, aminado naman ako na ang dami ko talagang kamukha. Saka lang naman ako naiirita pag parang nandidiri 'yung ikinukumpara sa akin at ayaw niyang maging kamukha ko siya.
Eh, ang grand champion nga sa "Pilipinas Got Talent 2" nga, aware siya na magkamukha kami at natutuwa naman ako, dahil in-approach ako minsan niyan, magpa-picture daw kami. Kahit ako naman, nagpa-picture din sa kanya, at ginawa ko pa ngang profile pic ko sa twitter account ko (@ogiediaz).
Naaalala ko pa nga nu'ng araw, nu'ng kasagsagan ng mga boksingero, 'yun din daw ang mga kamukha ko: si Rolando Navarette, si Dodie Boy Penalosa at si Onyok Velasco. Kaya nga sa kakulitan ng mga kaibigan ko, sabi ko, "Oo na, mukha akong boksingero!"
Nasabihan na rin akong "ugliest face on tv" ng isang di rin naman kaguwapuhang Ingliserong host, pero hindi ako nasaktan. Naintindihan ko pa nga kamo. Kasi nga, pag galit ka talaga sa isang tao, lahat ng masasakit, masasama at pangit na salita, ibabato mo sa kaaway mo.
Nu'ng nag-away nga sila noon ng isang tv host (na ngayon ay co-host na niya), juice ko, sinabihan niya naman itong kamukha ni Shrek. Wala talaga siyang patawad noon. Ni hindi man lang sinabing 'yung misis nitong si "Fiona" ang kamukha.
Sinabihan din niya ito noon ng "ugliest face on tv" na dumating pa sa puntong 'yung mga anak ng tv host ay umiiyak na sa sobrang panlalait sa nanay nila ng dj na ito na ikinumpara naman ng babaing tv host sa gasul, dahil bahagya lang daw ang itinaas ng dj sa gasul.
Hanggang sa -- mag-fastforward tayo--ako na ngayon ang kaaway ng dj. Sa mata niya'y ako na ang pinakapangit na nilalang sa balat ng telebisyon.
Pero hindi ko naman siya mabalikan na "Pangit ka rin!" dahil hindi ko kayang mang-insulto ng itsura, eh. Pero hindi mo rin naman ako maaasahang magsabi ng, "Ang guwapo mo!" huh?
Pero come to think of it, totoong maliit lang ang mundo, 'no? Ngayon, sila na ang magkakampi. Nagkakaisa sila ng disposisyon sa buhay, dahil magkasama nga sila sa kanilang trabaho, kaya intinding-intindi ko 'yon.
Kung paanong hindi ko rin naman kayang ikompromiso sa kanila 'yung sarili kong pananaw sa buhay, eh.
Actually nga, eto, walang halong biro. Noong hindi pa kami magkaaway ni Gasul, ang daming nagsasabi, magkamukha kami. Hindi naman ako nainsulto (I'm sure, siya ang nainsulto), dahil lagi kong katwiran, kahit sino naman ang sabihin nilang kamukha ko, never naman akong nagalit.
Kahit nga sa aso o sa kabayo o sa elepante mo pa ihambing ang mukha ko, wala namang problema. Salita lang naman 'yan, hindi ka naman sinaktan physically.
Magkakamukha, oo. Pero ang ugali, magkakaiba.
Hindi para sabihin kong napakabait kong tao, pero kaya kong sabihing hindi ako masamang tao.
Kahit nga umupo ka lang diyan sa isang tabi, maaaring hindi ka aware, pero 'yung ibang tumitingin lang sa 'yo, may iniisip nang negatibo tungkol sa 'yo. Bottomline: you really cannot please everybody.
Kung hindi ko sila masakyan, pero kaya ko namang intindihin ang pinanggagalingan ng galit nila sa akin, choice nilang magalit. Habang ako, choice kong intindihin sila, dahil 'yun ang kailangan sa sitwasyon nila.
Maliit lang ang mundo. Isang araw, magkikita-kita pa rin kami. Maaaring mag-isnaban, magpasaringan. Pero darating ang araw, pagtatawanan na lang naming lahat ang isyung ito.
Basta ang importante, may natutunan kaming lahat dito. O kung hindi man matuto ang iba at patuloy pa rin ang ngitngit at galit sa dibdib, eh, Lord, Ikaw na po ang bahala.

Comments